Ipinag-utos ng Manila International Airport Authority (MIAA) na magsagawa ng masusing pag-inspeksyon at paglilinis sa mga pasilidad ng Ninoy Aquino International Aiport (NAIA)
Ito ay kasunod ng mga kumakalat na posts sa social media kaugnay sa reklamo ng ilang pasahero na umano’y kinagat ng surot sa mga upuan sa NAIA Terminal 2 at 3.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, agad na binigyang direktiba ang mga terminal manager na tugunan ang reklamo at gumawa ng report sa loob ng 24 oras kaugnay sa insidente para maresolba ang problema.
Matapos ang imbestigasyon, kumpirmado na dalawang pasahero ang nagreklamo na nakagat sila ng surot sa mga upauan ng paliparan at agad din itong binigyan ng atensyong medikal ng MIAA medical team.
Humingi rin ng paumanhin ang MIAA sa mga biktima at tiniyak ang kagyat na solusyon sa kanilang reklamo.
Inalis na rin ang mga upuan na natukoy na mayroong mga surot habang nagsasagawa ng scheduled disinfection sa mga pasilidad ng NAIA. | ulat ni Diane Lear