Binigyang diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na malaki ang maitutulong ng Tatak Pinoy Act sa pagpapalakas ng pagsisikap ng gobyerno na makalikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino.
Nagpasalamat at pinuri ni Villanueva si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagpirma sa naturang batas at sa patuloy na pagprayoridad na makagawa ng trabaho para sa mga Pilipino.
Ayon sa majority leader, ang Tatak Pinoy law ay magsisilbing game-changer sa pagbubukas ng mga oportunidad para sa mga lokal na industriya sa bansa.
Pupunan rin aniya ng batas na ito ang trabaho Para sa Bayan law, na naglalayong bumuo ng national masterplan para pagtuunan ng pansin ang unemployment, underemployment at youth unemployment sa Pilipinas.
Nakapaloob rin kasi sa Tatak Pinoy law ang pagsuporta ng gobyerno sa pangangailangan ng mga lokal na negosyo at industriya kasama na ang pagbibigay ng iba’t ibang uri ng pagsasanay, skills development, upskilling/ reskilling at lifelong learning ng mga manggagawa.
Ipinunto rin ni Villanueva na sa ilalim ng Tatak Pinoy Act ay magkakaroon ng isang konseho na magtitiyak na ang Tatak Pinoy investment activities at projects ay kasama sa listahan ng priority activities sa ilalim ng Strategic Investments Priority Plan.
Sisiguraduhin rin na may pondong ilalaan para sa Tatak Pinoy initiatives. | ulat ni Nimfa Asuncion