Patuloy ang Philippine Air Force (PAF) sa pagsasagawa ng heli-bucket operations para maapula ang mga forest fire sa Benguet.
Ayon kay PAF Public Affairs Office Chief Colonel Ma. Consuleo Castillo, ilang heli-bucket sortie ang nagawa ng kanilang Bell-205 helicopter sa mga nakalipas na araw, para sabuyan ng tubig ang apoy sa bundok upang hindi na ito kumalat.
Partikular na isinagawa ang operasyon sa kabundukan sa Sajatan, Bokod, at Itogon sa Benguet.
Bukod sa Benguet, nag-deploy din ng helicopter ang PAF para sa katulad na operasyon kontra sa forest fire sa Solsona-Apayao Road sa Ilocos Norte.
Mahigpit din ang koordinasyon ng PAF Tactical Operations Group 1 at 505th Search and Rescue Group sa Civil Defense Cordillera, Bureau of Fire Protection, at iba pang tanggapan para sa fire-suppression strategies sa kabundukan. | ulat ni Leo Sarne
📸: PAF