Nakubkob ng mga tropa ng 61st Infantry “Hunter” Battalion ng 301st Infantry “Bayanihan” Brigade (301IBde) ang kampo ng NPA sa Barangay Torocadan, San Joaquin, Iloilo, sa focused military operation kahapon ng madaling araw.
Ang kampo na may sukat na 15,000 metro kwadrado at may 10 tolda ang pinagkutaan ng hindi baba sa 20 teroristang komunista na kabilang sa Southern Panay Front, Komiteng Rehiyon -Panay (SPF KR-Panay) sa ilalim ni Nahum Camariosa alyas Bebong.
Ayon kay 301 Brigade Commander Brigadier General Michael Samson,
ginamit nila ang Autonomous Truck Mounted Howitzer (ATMOS) kasabay ng aerial surveilance sa pagbomba sa kampo para hindi dehado ang mga tropa sa paglusob sa kampo.
Sa bakbakang tumagal ng 20 minuto, tatlong terorista ang nasawi, bago nagsitakas ang nalalabing kalaban.
Narekober ng mga tropa ang tatlong hindi pa kilalang bankay na inabandona ng kanilang mga kasamahan, apat na M-16 rifle, isang AK-47 rifle, tatlong bandoleer, isang radyo, at siyam na backpack ng kalaban. | ulat ni Leo Sarne
📸: 301Bde