Eksakto 7:20 ng gabi, (4:11pm -PH time) lumapag sa Royal Australian Air Force Fairbairn sa Canberra, Australia, ang PR 001 o ang eroplanong sinasakyan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang kinumpirma ng Presidential Communications Office (PCO).
Ang pagtungo ng Pangulo sa Australia ngayong araw hanggang bukas (February 29) ay para sa nakatakdang pagsasalita ng Pangulo sa harap ng Australian Parliament.
Bilang tugon na rin ito sa imbitasyon ni Governor David Hurley.
Una nang sinabi Foreign Affairs Asec. Teresita Daza, na mahalaga ang pagbisitang ito ng Pangulo sa pagpapatatag ng kooperasyon ng dalawang bansa.
Pangunahing tatalakayin ng Pangulo sa parliament ay ang strategic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Australia na napirmahan noong 2023.
Habang magkakaroon rin ng hiwalay na pulong si Pangulong Marcos sa matataas na opisyal ng Australia kabilang si Hurley at Prime Minister Anthony Albanese kung saan inaasahang pag-uusapan ang linya ng kalakalan at pamumuhunan, defense and security, people-to-people exchanges, multilateral cooperation at regional issues. | ulat ni Racquel Bayan