Scare tactic.
Ganito inilarawan ni House Deputy Majority Leader Neptali Gonzales II ang ginawang babala ni dating Bayanmuna party-list Rep. Neri Colmenares kaugnay sa planong paglalagay ng katagang ‘unless otherwise provided by law’ para amyendahan ang 1987 Constitution.
Sabi kasi ni Colmenares, ang ganitong hakbang ay magbibigay ng labis na kapangyarihan sa Kongreso.
Bagay aniya na maaaring mauwi sa “intense lobbying at lobby money” ng transnational corporations upang maisingit ang nais nilang probisyon.
Ani Gonzales, kaibigan niya si Colmenares na matagal din niyang nakasama sa Kamara, pero ang mga pahayag nito ay para lamang magdulot ng takot.
Punto ni Gonzales, mahalagang tignan ang usapin sa kung kailangan na bang amyendahan ang Saligang Batas o hindi.
“[Ang sabi] if you give the legislative power to Congress to change the proportion of ownership as provided for by the Constitution, masa-subject daw kami sa mga magla-lobby. Sa akin, pananakot lang ‘yan eh,” sabi ni Gonzales.
Naniniwala naman si South Cotabato Rep. Peter Miguel, na walang masama sa pagsasama sa mga katagang ito dahil dadaan pa rin naman ito sa plebisito.
Aniya, ito ang pinaka-akmang gawin upang magkaroon ng pagkakataon na makagawa ng mga batas na makakasabay sa globalisasyon. | ulat ni Kathleen Forbes