Muli nang sumisigla ang bentahan ng bigas sa bansa dahil sa unti-unting pagbaba na ng presyo nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Pasig City Mega Market, may ilang tindahan na ang nagbebenta na ng Php 49 kada kilo ng bigas mula sa dating Php 50 na pinakabababang presyo.
Ayon sa ilang mga nagtitinda, bukod sa mga sakahang nag-aani na ng palay ay dumating na rin ang ilang mga inangkat na bigas na siyang nakapag-ambag sa pagbaba ng presyo ng bigas.
Sa kabila ng nararanasang El Niño, matatag din ang suplay ng bigas kaya’t inaasahan ang pagbaba pa ng presyo nito sa hinaharap.
Kaya umaasa naman ang mga nagtitinda ng bigas na bababa pa ang presyo nito dahil mas darami pa ang mag aani ng palay pagdating ng Marso at Abril.
Nabatid na iniimbestigahan na rin ng Department of Agriculture hinggil sa umano’y hindi awtorisadong pagbebenta ng tone-toneladang bigas sa presyong dehado ang Pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala