Pumalo na sa P357 million ang danyos na iniwan ng El Niño sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DA Asec. Arnel de Mesa na pinakamalaki sa danyos na ito ay P127 milyon na naitala mula sa Iloilo.
P56 million naman na halaga ng pinsala ay naitala mula sa Oriental Mindoro. Katumbas ito ng 1,112 na hektarya ng lupain na totally damaged.
Habang 5,400 hectares naman ang partially damaged at maaari pang maka-recover.
Sabi ng opisyal, mababa pa rin ang halagang ito, kumpara sa historical damage na naitala ng pamahalaan sa naranasang matinding El Niño noong 1997 hanggang 1998.
Pagsisiguro ng opisyal, puspusan na ang ginagawang aksyon ng gobyerno, para sa pag-alalay sa mga apektadong magsasaka, at mangingisda dahil sa nararanasang matinding tagtuyot.
“Sa ating Agricultural Credit Policy Council, naglaan sila ng P500 million. ‘Yung tinatawag natin na survival and recovery loan, bawat magsasaka ay pwedeng makahiram ng P25,000 bilang ayuda, walang interest at walang collateral. Naglaan rin ang Philippine Crop Insurance Corporation ng P1.8 billion, para sa insurance claims ng mga magsasaka, pwede silang makatanggap up to P20, 000 sa mga apektadong lugar.” — Asec de Mesa.
Bukod sa mga available loans na walang interest at walang collateral, una na ring nagpaabot ng iba’t-ibang ayuda ang national government.
“Nagbahagi rin ng fuel assistance, P3, 000 bawat isa. Ang BFAR may P500 million. Ang ating mga regional field offices ay mayroong ding katumbas na P500 million na available nationwide. Kasama pa dito ang pamimigay natin ng solar panel irrigation system sa mga lugar na may sustainable water sources.” — Asec de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan