Magkakaiba ang pulso ng mga motorista sa itinutulak ng Land Transportation Office (LTO) na pagpaparehistro ng electronic vehicle.
Tinukoy ito sa isang public consultation ni LTO Chief Vigor Mendoza II kung saan pinagbasehan nito ang Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na nagmamandato sa lahat ng sasakyang gumagamit ng public roads na magrehistro sa LTO.
May ilang motorista ang walang problema rito para daw makahanay sila sa ibang pribado at pampublikong sasakyan na nagpaparehistro at may lisensya pa ang nagmamaneho.
Ayon kay Kuya Raffy, isang taxi driver, sa pagpaparehistro ng e-bikes at e-trike ay maaaring mas mapairal nila ang disiplina sa daan.
Tinukoy din ni Mark na may malalaki namang e-bike o e-trike na malalaki rin ang makina at kayang makipagsabayan.
Gayunman, may ilang driver ang hindi na pabor dito para wala na raw rason pa na dumaan ang mga ito sa mga national road.
Giit ni Mang Marcial, isang jeepney driver, bukod sa delikado ay sagabal sa daan ang mga ito.
Samantala, sa isinagawang public consultation ng LTO, kasama rin sa natalakay ang rekomendasyon ng isang kongresista na mas ibaba ang fees sa pagpaparehistro ng e-vehicles kumpara sa rehistro ng motorsiklo.
Sa ngayon, hindi pa masabi ng LTO chief kung kelan maisasapubliko ang guidelines ng naturang resolusyon.
Nilinaw din nito na maaari pa ring dumaan sa bike lanes ang mga e-bike at hindi na rin kailangang irehistro ang mga e-vehicle na ginagamit lamang sa loob ng isang pribadong lugar tulad ng mga subdivision. | ulat ni Merry Ann Bastasa