Pinakilos na ng Department of Agriculture (DA) ang Rapid Response Team nito para agad na umagapay sa mga magsasaka at mangingisdang tinamaan na ng El Niño sa Mindoro Island.
Ayon sa DA, alinsunod ito sa direktiba ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., para agad na makapagsagawa ng agricultural damage assessment sa isla at mahatiran ng tulong ang mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Kaugnay nito, inatasan na rin ni Secretary Tiu Laurel ang National Food Authority na agad mamahagi ng bigas sa mga apektadong residente sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development.
Umaasa naman si Sec. Laurel na makapagdeklara na ng State of Calamity ang Mindoro para mas mapalawak pa ang assistance dito ng gobyerno kabilang ang financial aid at agricultural inputs.
Bukod naman sa ayuda, kinukonsidera na rin ng DA ang pagde-deploy ng solar-powered irrigation systems para agad na makarekober ang mga sakahan sa Mindoro.
Sa inisyal na datos ng DA, kabilang sa mga apektado na ng El Niño sa Mindoro ang munisipalidad ng Looc pati na ang iba pang lugar sa Occidental at Oriental Mindoro. | ulat ni Merry Ann Bastasa