Magsasagawa ng espesyal na “friendship flight” ang Philippine Air Force (PAF) at Republic of Korea (ROK) Air Force bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Korea.
Bahagi ito ng serye ng mga aktibidad na isasagawa mula Marso 3 hanggang 5 sa Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga sa naturang okasyon.
Tampok sa 3 araw na aktibidad ang araw-araw na aerial exhibition ng tanyag na Black Eagles acrobatic team ng ROK, na ipapamalas ang kanilang “precision aerial maneuvers” gamit ang T-50B aircraft.
Sa “friendship flight” sa Marso 3, ay sasabayan naman ng FA-50 fighters ng PAF ang Black Eagles sa demonstrasyon ng pagkakaibigan at kooperasyon, kung saan inaasahan ang pagdalo ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro bilang panauhing pandangal.
Ang aktibidad ay bukas sa publiko mula Marso 4 hanggang 5, kung saan kailangang magparehistro sa link na naka-post sa PAF Facebook page. | ulat ni Leo Sarne