Tiniyak ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na hindi maiiwan sa serbisyo at patuloy na tutugunan ng ahensya ang pangangailangan ng mga kababayang Aeta.
Inihayag ito ng kalihim matapos ang ginawang pagbisita sa Aeta community sa Barangay Maruglu, Capas, Tarlac kung saan pinangunahan nito ang pilot program implementation ng Social Protection for Indigenous Peoples.
Aabot sa 633 Aeta families mula sa 9 na sitio ng Brgy. Maruglu ang natulungan sa programa matapos ang isinagawang validation at interview sa mga benepisyaryo upang malaman ang kanilang socioeconomic situation, partikular na ang access to basic services and social protection.
“Gusto namin malaman ninyo na kami sa DSWD ay naatasan ng Pangulo na umabot sa ating mga kababayan para maunawaan namin ang inyong mga pangangailangan [at] para malaman ninyo na ang pamahalaang nasyunal ay hindi kayo nalilimutan,” sabi ni Secretary Gatchalian.
Punto ng Kalihim, seryoso ang ahensya na marating at maabot ang iba’t ibang komunidad upang malaman kung ano ang kanilang pangangailangan at upang maipadama sa kanila na hindi sila napag-iiwanan.
“Alam namin minsan ang feeling ninyo ang layo-layo ng pamahalaang nasyunal sa inyo kaya sa araw na ito, baliktad, kami na po ang umabot sa inyo para malaman at maintindihan namin kung ano ang mga pwede pang itulong ng DSWD sa inyong komunidad,” ani pa ng DSWD chief.
Nilinaw din ng Kalihim na mandato ng DSWD na itaas ang pamumuhay ng mga mahihirap at nabibilang sa bulnerableng sektor ng lipunan kabilang na ang mga miyembro ng Aeta community. | ulat ni Merry Ann Bastasa