Upang mas mapagtibay ang sektor ng edukasyon ng Pilipinas mapa-Technical-Vocational Courses at Degree Courses, nagkaroon ng joint memorandum of understanding ang pamunuan ng Commission on Higher Education at ang Technical Education Skills Development Authority o TESDA para sa Philippine Credit Transfer System.
Ayon kay Commission on Higher Education Chairman Dr. Prospero De Vera na layon ng naturang sistema na magkaroon ng tulay sa pagitan ng TVET at ng Universities na naglalayon na mabawasan ang mga subject sa mga TVET graduates na nais magpatuloy sa kolehiyo at ma-credit ang mga napag-aralan nito sa tech-voc skills mula sa TESDA.
Ayon naman kay TESDA Director General na mas magiging kapaki-pakinabang ang naturang sistema dahil sa karamihan sa mga mag-aaral mula sa TESDA na nais ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.
Kaugnay nito , kabilang sa PCTS program ang mga kursong dentistry, agriculture, biological systems, engineering, HRM at tourism at pinag-aaralan pa ng dalawang tanggapan na madagdagan pa ang mga kurso at vocational courses na maipasok sa naturang sistema.
Sa darating na Agosto nakatakdang umpisahan ang naturang programa dahil sa muling pagbubukas ng eskwela. | ulat ni Arrian Jeff Ignacio