Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na epektibong matutugunan ng Joint Task Force sa pagitan ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Philippine Competition Commission (PCC) ang mga anti-competitive practices sa sektor ng enerhiya.
Ang Joint Task Force ay naatasang imbestigahan ang mga alegasyon ng hindi patas na gawain sa power sector para maprotektahan ang interes ng mga consumer.
Ipinunto ni Gatchalian na sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ay nire-regulate ang kompetisyon sa power industry at pinagbabawalan ang mga stakeholder sa electricity industry na pumasok sa anumang anti-competitive practice.
Kabilang na dito ang cross-subsidization, price o market manipulation, at pagpapataw ng limit sa ownership at kontrol ng mga kaugnay na kumpanya na mayroong generating capacity.
Sa kabila nito, inamin ng ERC na nahihirapan sila sa pagtugon sa mga anti competitive issues sa industriya tulad ng mga kinasasangkutan ng mga industry player na nakikipagkalakalan ng kanilang generated capacity sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Kaya naman sa pamamagitan ng pagtutulungang ito ng ERC at PCC ay inaasahan ng mambabatas na mapapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na suriin ang mga kahina-hinalang gawain sa industriya at mahigpit na mapatutupad ang mga polisiyang itinatakda ng batas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion