Inaasahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang mas marami pang investment mula sa Estados Unidos ngayong nakatakda ngayong buwan ang US Presidential Trade and Investment Mission na pamumunuan ng US Secretary of Commerce na si Gina Raimondo sa darating na ika-11 hanggang ika-12 ng Marso.
Ayon sa datos ng PEZA, ang US ay ang ikalawa sa pinakamalaking dayuhang bansa na nag-iinvest sa mga economic zone na nasa ilalim ng ahensya, na katumbas ng higit 14% ng mga registered business.
Maliban dito, may 355 US locator companies ang nasa mga economic zone ng PEZA at may kabuang investment portfolio na aabot sa higit ₱404-billion na nagreresulta sa bilyon-bilyong dolyar na halaga ng exports ng Pilipinas. Kabilang pa riyan ang trabaho para sa higit 365,000 na mga Pilipino.
Pinasalamatan naman ni PEZA Director General Tereso Panga ang U.S. para sa mas pinalakas ng ugnayan at marami pang investment nito sa bansa.
Kinilala rin ng PEZA ang papel ng U.S. sa semiconductor industry na nakasailalim sa CHIPS at Science Act of 2022 na nilagdaan ni US President Joe Biden.
Noong 2022, naitala ng Pilipinas at Amerika ang kalakalan nito ng goods and services sa $36.1-billion kung saan umabot sa halagang $23.3-billion ang exports ng Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro