Aabot sa 361,699 na examinees ang inaasahang kukuha ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa 16 na CSC testing centers sa buong bansa bukas, March 3, 2024.
Ngayon pa lang, pinayuhan na ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang mga examinees na alamin ang kanilang school assignment at mga mahahalagang reminders para sa gaganaping pagsusulit.
Ayon kay Nograles, maaari nilang buksan ang Examination Advisory No. 4, s. 2024, na makikita sa website ng CSC.
Binigyang-diin din ni Nograles ang kahalagahan ng pagdating sa testing venue sa araw ng pagsusulit nang hindi lalampas sa alas-6:30 ng umaga.
Isasara sa mga examinees ang mga gate ng testing venue pagsapit ng alas-7:45 ng umaga, at hindi na papayagang kumuha ng exam ang mga late na dumating.
Higit pa rito, mahigpit na ipatutupad sa pagsusulit ang “No ID, No Exam” policy.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang paglabas ng test booklet sa labas ng testing room at pagdadala ng electronic device tulad ng mga cellular phone, smartwatches, o iba pang gadget. | ulat ni Rey Ferrer