Inilatag ng Department of Education (DepEd) at Second Congressional Commission on Education ang priority areas na tututukan upang tugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa.
Malugod na tinanggap ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga suhestyon ng EDCOM II Commissioners at Advisory Council, sa pagpupursige ng transformative, konkreto at targeted reforms upang mapabuti ang sistema ng edukasyon.
Sinabi ni VP Sara, na kailangang palakasin at panatilihin ang pagtutulungan upang matiyak ang dekalidad, accessible, at malayang basic education.
Iprinisinta rin ng DepEd ang plano at direksyon alinsunod sa MATATAG Agenda, kabilang ang inilunsad na National Education Portal, recalibrated National Learning Recovery Plan, at pagdaraos ng National Learning Camp.
Nagbigay naman ng updates ang ahensya sa paglikha ng Government Assistance and Subsidies Office, pagkasa ng tracer study ng Alternative Learning System students, at konsultasyon para sa National Mental Health program.
Samantala, lumagda sa memorandum of agreement ang DepEd at EDCOM II upang selyuhan ang Data Sharing Agreement. | ulat ni Hajji Pantua Kaamiño