Magtatatag na ng Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) ang Anti-Red Tape Authority at Department of Migrant Workers.
Layon nito na matiyak ang digital accessibility sa mga prosesong kinakailangan ng gobyerno sa mga Pilipinong nag-a-apply ng trabaho sa ibang bansa.
Nagpulong na sina ARTA Secretary Ernesto Perez at DMW Secretary Maria Susana Ople upang maisagawa ang deployment process na mas mahusay at mas tumutugon sa mga pangangailangan ng OFWs.
Ang inisyatiba ng ARTA at DMW ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang State of the Nation Address noong nakaraang taon.
Sabi ng Pangulo, gamitin ang digital empowerment sa pagbibigay sa mga OFW ng red tape-free at mabilis na karanasan sa transaksyon.
Base sa pag-aaral ng POEA, bumaba ang kabuuang bilang ng 2.2 milyong OFW deployments noong 2019 sa 549,000 noong 2020, dahil sa mga paghihigpit sa paglalakbay na ipinataw bunga ng COVID- 19 pandemic. | ulat ni Rey Ferrer