Kinasuhan na ng illegal recruitment at estafa sa Department of Justice (DOJ) ang 66 na recruiters na nagsamantala sa programa ng pamahalaan na pag-deploy ng seasonal workers sa South Korea.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer in Charge Hans Leo Cacdac matapos magreklamo ang mga overseas Filipino Worker (OFW).
Aniya, modus ng mga recruiter na tumayong broker at naniningil ng mula P10,000 hanggang P100,000 sa mga benepisyaryo ng programa para makapagtrabaho sa South Korea gayung hindi naman ito kailangan.
Bukod dito, samu’t sari pang reklamo ang naitala ng ahensya kabilang ang 160 may kinalaman sa paggawa, paglabag sa kontrata, at ilegal na pagtago ng pasaporte ng OFWs.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 3,400 na seasonal workers ang nakarating sa South Korea na hindi dumaan sa DMW.
Sa ngayon, pursigido ang ahensya na magkaroon ng government to government agreement ang dalawang bansa para ganap na maprotektahan ang OFWs. | ulat ni Rey Ferrer