Inilipat na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Migrant Workers (DMW) ang pagproseso ng mga End-of-Service Benefit (ESB) para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Middle East.
Ayon sa DFA, mula noong Pebrero inilipat na nito sa DMW ang mga bagong applications, claims, at remittances ng mga ESB.
Pinapayuhan naman ang mga OFW na kamakailan lang natapos ang kontrata o benepisyaryo ng yumaong OFW, na dapat magpasa ng bagong aplikasyon ng ESB direkta sa Migrant Workers Office (MWO) sa Embahada o Konsulado ng Pilipinas, o di kaya sa opisina ng DMW dito sa Maynila.
Pinapayuhan din ang mga employer ng mga OFW sa Middle East na mag-remit ng mga bagong ESB remittance sa itinakdang bangko ng MWO.
Patuloy namang ipo-proseso ng DFA ang mga ESB applications na ipinasa sa kanilang opisina bago ang ika-4 ng Pebrero.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Foreign Service Post o bisitahin ang website ng DMW sa www.dmw.gov.ph.
Ang paglilipat ng nasabing serbisyo ay sang-ayon sa pagsunod sa Department of Migrant Workers Act of 2021, para sa pagsiguro na walang aberyang serbisyo para sa mga Pinoy abroad. | ulat ni EJ Lazaro