Nakatagpo na naman ng hinihinalang bloke ng cocaine sa karagatang sakop ng Barangay Bongtud sa Tandag City, Surigao del Sur.
Pinapurihan ni Police Regional Office (PRO)13 director Police Brigadier General Kirby John Kraft ang dalawang mangingisda sa pag turn-over sa Tandag Municipal Police Station ng isang bloke ng hinihinalang cocaine, na nagkakahalaga ng ₱5.3 milyon.
Ang nakadiskubre ng pinaghihinalaang cocaine ay ang mga mangingisdang sina Junjie M. Villaver, 36 anyos at Paciano P. Villalba, 28 anyos parehong residente ng Brgy. Bongtud, Tandag City.
Nakita nila itong lumulutang sa karagatan ng Barangay Bongtud sa Tandag City, Surigao del Sur bandang alas-10 ng Biyernes ng umaga, Marso 1, 2024.
Bawat bloke ng cocaine ay tumitimbang ng halos isang kilo.
Ang dalawang mangingisda bilang papuri ay binigyan ni Governor Alexander Pimentel ng cash reward at tig isang sakong bigas.
Nai-turn over na ang halos isang kilong cocaine sa Surigao del Sur Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit. | ulat ni Jocelyn Morano, Radyo Pilipinas Butuan
📸 RPIO Caraga