Patuloy na isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng electric vehicles bilang sustainable mode ng transportasyon dahil sa mabuting epekto nito sa kalikasan.
Ayon kay Road Transport and Infrastructure Officer-in-charge Undersecretary Anneli Lontoc, kinikilala nila ang pangangailangan na magpatupad ng hakbang para sa “green recovery”.
Isa aniya ang e-vehicles sa rescue measures na bumabalanse sa daan tungo sa pagbangon ng ekonomiya at pagtugon sa nagbabagong panahon.
Ipinaliwanag ni Lontoc na walang carbon emissions ang electric o hybrid vehicles kaya maituturing itong efficient.
Sa ngayon ay sinimulan na ng pribadong sektor ang pagbubukas ng public charging locations sa mga mall, parking lot at workplaces.
Dagdag pa nito, pinagsusumikapan ng DOTr ang paglikha ng stratehiya na susuporta sa mobility o galaw ng transport stakeholders at kalikasan bagama’t hindi dapat nakasentro sa sasakyan lang.
Kabilang sa nakikitang oportunidad ang active transport gaya ng pagbibisikleta, walkway concourses, at epektibong traffic control para sa mas mabilis na access sa trabaho at produkto. | ulat ni Hajji Kaamiño