Patuloy ang isinasagawang pagpapalabas ng supply ng tubig sa mga lupang sakahan sa bayan ng Virac, Catanduanes matapos na maitala ng Department of Agrarian Reform ang 39°C heat index.
Nagdulot ito ng matinding pagtuyo ng mga lupang sakahan sa Brgy. Timbaan, Bon-ot, Lictim at San Andres sa nasabing bayan kung saan aabot sa 60 magsasaka na may nasa 54 ektarya ng sakahan ang apektado.
Dahil dito, agad na nagbigay ng irrigation assistance ang DAR upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka ngayong dry season.
Samantala, inaksyunan ng mga kawani ng National Irrigation Administration Bicol ang ilang sakahan sa Polangui, Albay na nangangailangan ng atensyon dahil sa kakulangan ng patubig dulot ng kinakaharap na El Niño.
Ilan sa mga hakbang na isinagawa ay ang paglalagay ng mga surface water pumps sa malalapit na water sources sa lugar.
Nitong nakaraang taon, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na sa lalawigan ng Albay naitala ang pinakamataas na heat index sa Pilipinas kung saan pumalo ito sa 50°C heat index. | ulat ni Garry Carl Carillo| RP1 Albay
📷NIA Bicol