Pinatawan na ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension ang nasa 139 na opisyal ng National Food Administration.
Kinumpirma ito ngayon ni DA Sec. Francscio Tiu Laurel na nag-ugat sa imbestigasyon sa umano’y pagbebenta ng NFA ng libu-libong tonelada ng bigas na buffer stock sa ilang traders sa paluging presyo.
Ayon sa kalihim, kasama sa suspendido sina NFA Admin Bioco, Asst Admin John Robert Hermano at iba pang regional managers at warehouse supervisors.
Hindi naman kasama sa suspension order ang accuser na si Assistant Administrator for Marketing Operations Lemuel Pagayunan
Kaugnay nito, nagdesisyon si Sec. Tiu Laurel na pansamantalang pangasiwaan muna ang NFA at tumayong officer in charge sa ahensya habang umiiral ang suspension order at gumugulong ang imbestigasyon kung saan kasama sa target na silipin ang mga transaksyon mula noong 2019.
Giit din ng kalihim, kinukondena nito at hindi palalampasin ang anumang uri ng korupsyon sa ahensya.
Kaisa umano ito ng Ombudsman sa layuning maisiwalat ang katotohanan at mapanagot ang mga nasa likod ng iregularidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa