Malaking bagay para sa Pilipinas, lalo na sa pagtiyak na may sapat na suplay ng bigas ang bansa sa gitna ng umiiral na El Niño ang pulong sa pagitan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Cambodian Prime Minister Hun Manet.
Ito ang tinuran ni Speaker Martin Romualdez na isa sa mga opisyal na sumaksi sa pulong ng dalawang opisyal sa sidelines ng 50th ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne.
Pagbabahagi ni Romualdez, na nagpag-usapan ng dalawa ang iba’t ibang mahahalagang isyu gayundin ang pagpapalakas sa trade at investment relations gaya sa bigas at turismo pati na sa ekonomiya.
“By diversifying our sources of rice importation and strengthening partnerships with fellow ASEAN member states like Cambodia, we can mitigate the adverse effects of external factors such as climate change-induced phenomena like El Niño,” sabi ni Romualdez
“While we are making significant strides towards achieving rice self-sufficiency, prudence dictates that we should provide contingency measures to ensure people would have adequate rice supply at the best possible price if our local production falls short of expectation,” dagdag ng mambabatas.
Giit ni Romualdez, na bagamat tiniyak na ng Department of Agriculture na may sapat na suplay ng bigas sa unang bahagi ng taon ay hindi malayo na tumaas ang presyo nito pagsapit ng Setyembre, dahil sa epekto ng El Niño sa global rice supply at pagtaas sa demand nito.
Ayon sa House Speaker, kilala ang Cambodia sa pagiging eksperto sa rice cultivation at production kaya’t ikinagagalak nila ang kahandaan nito na tulungan ang Pilipinas.
Handa rin aniya ang Kapulungan na suportahan ang Pangulo sa mga inisyatiba nito na makipagtulungan sa Cambodia at iba pang bansa sa ASEAN, para masiguro ang isang matatag na food supply chain.
Hanggang nitong February 29, umabot na sa P941 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa El Niño ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pinaka apektado dito ang Western Visayas, MIMAROPA, Ilocos, CALABARZON, at Zamboanga. | ulat ni Kathleen Forbes