Inaatasan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang City Prosecutor ng Davao na isampa na sa korte ang mga kasong kriminal laban kay Pastor Apollo Quiboloy at limang iba pa.
Kabilang sa mga kasong ipinasasampa laban kay Pastor Quiboloy ay child abuse, sexual abuse of a minor at qualified human trafficking alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 7610.
Sabi ni Remulla, hindi napahalagahan ng piskalya ng Davao City ang facts at information na inilahad ng noon ay 17-anyos na complainant.
Aminado ang kalihim, na napakahirap gawin na idemanda ang isang tao na katulad ni Pastor Quiboloy na kanya ring malapit na kaibigan ngunit kailangan aniyang umusad na ang hustisya.
Ipinaliwanag din ng kalihim, na kailangang matapos na ang mga kaso laban sa grupo ni Pastor Quiboloy bago dumating ang extradition treaty na ikinakasa ng Estados Unidos.
Itinanggi rin niyang estratehiya ito ng Pilipinas para pigilan ang anumang extradition na posibleng hingiin ng Amerika.
Ang mga kaso na isasampa ng DOJ laban sa religious leader ay pawang mga non-bailable offense. | ulat ni Michael Rogas