Plano ng Commission on Higher Education (CHED) na mapalawak pa ang ugnayan nito sa Council of Higher Education (YÖK) sa bansang Turkey pagdating sa academic partnership partikular sa Science and Technology, Engineering, at Fisheries.
Sa sidelines ng Eurasia Higher Education Summit, nakipagpulong si CHED Secretary Popoy De Vera kay CoHE President Erol Özvar para tukuyin ang posibleng bagong kolaborasyon matapos na makumpleto ang five-year Memorandum of Agreement na nalagdaan noong 2018.
Kasama sa special meeting sina Philippine Ambassador to Turkey Henry Bensurto, Jr., Mariano Marcos State University President Shirley Agrupis, Iloilo Science and Technological University President Gabriel Salistre, Caraga State University President Rolyn Daguil, MSU-Naawan Chancellor Elnor Roa at mga opisyal ng University of Luzon at Virgen Milagrosa University Foundation.
Ayon kay De Vera, kinikilala nito ang world-class na kalidad ng edukasyong iniaalok sa Turkey lalo na sa larangan ng engineering at technology.
Kaugnay nito, natalakay rin sa pulong ng dalawang partido ang posibilidad ng university research partnerships sa defense industry gayundin ang upskilling at reskilling programs ng mga unibersidad.
Sa huli, inimbitahan ni CHED Sec. De Vera si CoHE President Özvar na bumisita sa Pilipinas para sa ika-75 anibersaryo ng bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Turkey.
Una nang nagkaroon ng academic partnership ang Pilipinas at Turkey sa fisheries at marine science. | ulat ni Merry Ann Bastasa