Sa pamamagitan ng House Resolution 1611 ay iimbestigahan na rin ng Kamara ang napaulat na pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng buffer stock na bigas sa paluging presyo.
Ang resolusyon ay inihain nina House Committee on Agriculture and Food Chair at Quezon Representative Mark Enverga at Abono Party-list Representative Robert Raymund Estrella.
Tinukoy sa resolusyon na noong February 12, 2024, ay isinumite ni NFA Assistant Administrator for Operations Engr. Lemuel Pagayunan ang isang report ukol sa hindi tamang pagbebenta ng NFA rice stocks sa mga piling trader.
Nasa 75,000 sako ng bigas na pinalabas bilang “aging and deteriorating” stocks ang ibinenta ngunit napag-alaman na “fit for human consumption” pa rin ito.
Bukod dito, hind dumaan sa tamang bidding ang bentahan ng rice stocks maliban pa sa nabili ito sa halaga na mas mababa sa itinakdang presyo na ₱1,250 kada sako at saka naman ibinenta ng nakabiling trader sa mas mataas na halaga.
Umaasa naman ang mga mambabatas na sa gagawing pagsisiyasat ng Agriculture and Food Committee ay mapanagot ang mga responsable at marepaso ang kasalukuyang polisiya at batas tungkol sa pagbebenta ng rice stocks.
Itinakda ang pagdinig sa darating na Huwebes.
Lunes nang ianunsyo ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francscio Tiu Laurel na pinatawan na ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension ang nasa 139 na opisyal ng NFA na sangkot sa maanomalyang pagbebenta ng rice buffer stock. | ulat ni Kathleen Jean Forbes