Nakikiisa si Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa philippine Coast Guard (PCG) sa paghihikayat sa China na itigil na ang pangha-harrass sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na nasa resupply mission patungong Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng panibagong insidente ng pagbangga ng Chinese Coast Guard sa BRP Sindangan ng PCG sa West Philippine Sea.
Ayon kay Estrada, malinaw na bullying tactics ito ng China dahil makailang beses nang nangyari ang mga ganitong banggaan sa karagatan na kinasasangkutan ng barko ng PCG at China Coast Guard kasama ang ilang Chinese militia vessels.
Sa mga pagkakataong nangyari aniya ang mga banggaan ay hindi kailanman naging banta ang ating bansa sa kanilang seguridad.
Giit ni Estrada, ang mga resupply mission na isinasagawa ng PCG ay hindi sapat na dahilan para gumawa sila ng aksyon na maglalagay sa panganib ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Kasabay nito ay nanawagan ang senador sa China na galangin ang international maritime laws at itigil na ang bullying tactics.
Hinikayat rin rin ni Estrada ang international community na masusing i-monitor ang development sa rehiyon at suportahan ang pagpapanatili ng isang rules-based order.| ulat ni Nimfa Asuncion