Tiniyak ni Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Senador Sonny Angara na aamyendahan pa nila ang wording ng panukalang economic cha-cha (Resolution of Both Houses No. 6) para malinaw na hindi kasama ang basic education sector sa bubuksan sa foreign ownership.
Sinabi ito ng senador matapos ang pahayag ng Department of Education (DepEd) na tutol ang ahensya sa pagbubukas ng education sector sa foreign ownership.
Sa naging pagdinig para sa RBH 6 ngayong araw, sinabi ni Education Assistant Secretary Francis Bringas na kabilang sa mga katanugan ng ahensya ay kung papayagan ba ang mga dayuhan na makapagturo sa ating bansa.
Aminado si Angara na ang kasalukuyang wording ng RBH ay bukas sa maling interpretasyon na maaaring galawin ang basic education.
Kaya naman aamyendahan aniya nila ito at aayusin para salaminin ang tunay na intensyon ng kanilang panukala na limitado lang sa mga higher eduaction, tertiary, technical at vocational education ang bubuksan sa mga dayuhan.
Pinahayag rin ni Angara na hindi pa ito ang huling magiging pagdinig ng Senado tungkol sa economic cha-cha.
Maaari aniya sa susunod na linggo ay magkaroon pa sila ng pagdinig at tuloy rin aniya ang pagdala ng eco cha-cha hearing mga probinsya.| ulat ni Nimfa Asuncion