Binigyang halaga ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang kahalagahan ng suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka ngayong papalapit na ang anihan ng palay.
Ayon sa vice chair ng House Committee on Agriculture and Food, dahil na rin pagkain, partikular ang bigas ang may malaking ambag sa pagtaas ng inflation rate sa buwan ng Pebrero sa 3.4 percent ay kailangan matiyak na may sapat na post harvest assistance ang mga magsasaka.
Kabilang dito ang pagtiyak na mabilis maiba-biyahe ang produkto mula sakahan patungo sa pamilihan.
Mahalaga rin aniya na masiguro na may access ang publiko sa bigas sa abot kayang halaga.
Kaya naman dismayado si Suansing sa isyung kinasangkutan ng NFA kung saan ibinenta ang buffer stock ng bigas sa ilang piling trader sa paluging presyo.
Sabi ni Suansing, ngayon mas kailangan ng publiko ang murang bigas kaya’t nakakahinayang na hindi ang mga Pilipino ang nakinabang dito.| ulat ni Kathleen Forbes