Tiniyak ng Kongreso na mayroon nang nakalatag na mga programa ang pamahalaan para maibsan ang epekto ng inflation.
Kasunod ito ng bahagyang pagtaas sa inflation rate sa buwan ng Pebrero na nasa 3.4 percent mula sa 2.8 percent noong Enero.
Ayon kay Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo tuloy-tuloy lang ang pagpapatupad ng intervention programs gaya ng Cash and Rice Distribution (CARD) sa pamamagitan ng Office of the Speaker katuwang ang DSWD kung saan namamahagi ng 25 kilos ng bigas at ₱1,000 cash pambili ng iba pang pangangailangan sa vulnerable sector.
Maliban pa ito sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD at TUPAD ng Department of Labor and Employment.
Inaasahan na rin aniya na bago matapos ang buwan ay maipatupad ang taas-diskwento sa grocery ng mga senior citizen at PWD.
Nariyan din aniya ang AKAP program na tutulong sa mga near poor o kapos ang kita.
“Yung mga ₱23,000 or less yung kita, nasa pribado ka man o ang trabaho mo man ay waiter or waitress, call center, mabibiyayaan ka ng one time na ₱5,000 (under AKAP). Yun na ibibigay na ayuda to soften the inflation, para hindi rin maramdaman ng mga nasa middle class na nakakaligtaan ng gobyerno,” ani Tulfo.
“Unfortunately, naging kontrobersyal siya so medyo pinatigil muna ng DSWD at pinag-aaralan, how do we do this kasi medyo tinamaan nga ‘yon pero naglagay ng pondo diyan ng Congress para po dun sa mga middle class ho natin,” aniya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes