Sa kabila ng mataas na rice inflation, pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangambang sisirit pa ang presyo ng bigas sa merkado.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, batay sa kanilang monitoring, nananatili ang downward trend sa presyo ng bigas sa nakalipas na dalawang buwan.
Mula aniya nitong Enero, bumaba na sa ₱2-₱3 ang kada kilo ng bigas na ngayon ay naglalaro sa ₱49-₱50 para sa regular at well-milled rice.
Kaugnay nito, pinaliwanag naman ni De Mesa na hindi dapat ikaalarma ang naitalang mataas na rice inflation dahil sa mababa talaga ang pinanggalingang numero o baseline noong nakaraang taon hanggang buwan ng Agosto.
Tiniyak rin ni Asec. De Mesa na patuloy na sinisikap ng DA na mapalago pa ang lokal na produksyon ng palay para mas maging abot-kaya ito sa publiko. | ulat ni Merry Ann Bastasa