Pinuri ni House Committee on Agriculture and Food vice-chair at Nueva Ecija Representative Mikaela Suansing ang naging hakbang ng pamahalaan na suspendihin ang nasa 139 na empleyado ng National Food Authority (NFA).
Kaugnay ito sa napaulat na pagbebenta ng rice buffer stock ng NFA sa piling traders sa paluging presyo.
Ayon kay Suansing ipinapakita nito na seryoso ang administrasyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuldukan ang korapsyon sa bansa.
Aniya, bilang kinatawan mula sa rice granary ng Pilipinas, malaking bagay na mapanagot ang mga taong nasa likod ng improper disposition ng bigas.
Kinumpirma rin ni Suansing na sa darating na Huwebes ay magsasagawa ng pagsisiyasat ang kanilang komite hinggil dito.
Pinatitiyak naman ni AKO Bicol Party-list Representative Jil Bongalon na mapanagot din ang mga nakinabang na pribadong indibidwal sa naging bentahan.
Sinabi naman ni House Majority Leader Erwin Tulfo, isang kalapastanganan ang ginawang ito ng mga empleyado at opisyal ng NFA.
Dagdag pa niya na mismong si Speaker Martin Romualdez ay nadismaya sa ginawa ng NFA.
Sinabi aniya ng House Speaker na sana ay ibinenta at ibinaba na lang ng NFA ang naturang mga bigas sa merkado para ang taumbayan ang nakinabang.
Sa kabila naman nito, naniniwala ang mga kinatawan na kailangan aralin munang mabuti ang panukalang buwagin na lang ang NFA.
Imbes anila na buwagin ay magpatupad na lamang ng restructuring sa ahensya.
Sinabi pa ni Bongalon na wala namang problema sa NFA kundi sa mismong mga opisyal. | ulat ni Kathleen Jean Forbes