Isinusulong ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang pagsasabatas ng “free annual medical checkup” sa lahat ng mga Pilipino.
Inihain ni Yamsuan ang House Bill 1785 na naglalayong tiyakin na may access ang bawat isang Pilipino sa “preventive healthcare.”
Kasama sa libreng serbisyo ang cholesterol and blood sugar test at iba pa.
Ayon sa mambabatas, bagaman mayroon nang Universal Health Care Law at iba pang katulad na batas, marami pa rin sa mga kababayan natin ang namamatay sa mga sakit na “preventable at treatable.”
Sa ilalim ng panukala, ang mga miyembro ng PhilHealth ay dapat karapat-dapat sa mga naaangkop na benepisyo sa ilalim ng Philippine Health Insurance Program dahil ito ang iminamandato ng Universal Health Care Law.
Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Setyembre 2023, ang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas ay ischemic heart disease.
Sinundan ito ng mga neoplasma gaya ng cancer, mga sakit sa cerebrovascular gaya ng stroke, aneurysm, diabetes mellitus, at pneumonia.
Sa isang hiwalay na ulat ay nagpakita na anim sa bawat 10 Pilipino ang namamatay nang hindi nakokonsulta ng isang doktor. | ulat ni Melany Valdoz Reyes