Binahagi ni Senadora Imee Marcos na sasamahan niya si Senador Robin Padilla sa pagsusulong na mabawi ang contempt at arrest order ng Senate Committee on Women laban kay Kingdon of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Senadora Imee, nagkausap na sila ni Padilla kagabi at pumayag siyang pumirma para maiatras ang contempt order.
Una nang pina-cite in contempt ng Senate Committee on Women ni Senadora Risa Hontiveros si Quiboloy dahil sa hindi nito pagdalo sa tatlong padinig tungkol sa mga akusasyon ng pang-aabuso laban sa KOJC leader.
Tinutulan ni Padilla ang naturang mosyon at sinabi ni Hontiveros na mayroong pitong araw ang senador para makumbinsi ang mayorya ng mga miyembro ng Committee on Women na ipawalang bisa ang contempt order.
Sinabi ni Senadora Imee na may ilan pang mga senador ang nagpahayag na tutol rin sila sa contempt order laban kay Quiboloy.
Tutol ang senadora sa pagpapa-subpoena at pagpapaaresto ng Senado sa religious leader dahil dapat aniyang hayaan na munang gumulong ang kaso sa korte.
Si Senate President Juan Miguel Zubiri, na siyang pipirma ng arrest order laban kay Quiboloy, hindi na nagkomento sa isyu dahil ayaw niyang pangunahan ang desisyon ng kumite.
Hihintayin na lang aniya ni Zubiri kung makakakalap ng sapat na pirma si Padilla para mabawi ang contempt order laban kay Quiboloy.| ulat ni Nimfa Asuncion