Nangangamba si Senator Imee Marcos sa desisyon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na payagan ang sibilyan na mag may-ari ng mataas na kalibre ng mga armas.
Tinutukoy ng senator ang pagbago ng PNP sa implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10591, o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, na nagpapahintulot na maibigay ang mga lisensya sa mga sibilyan para sa mga M-14 rifles at iba pang semi-automatic na mga armas na may kalibre ng 7.62mm at mas mababa.
Ayon kay Marcos, posible itong magdulot ng pagtaas ng kriminalidad, terorismo, smuggling ng mga armas at malawakang karahasan sa halalan 2025.
Para sa senator, ikakapahamak mismo ng PNP ang hakbang na ito at makokompromiso ang kahusayan ng mga law enforcer at higit sa lahat, ang kaligtasan ng publiko.
Idinagdag rin ni Senator Imee, na posible rin itong magdulot ng kumplikasyon sa gawain ng pamahalaan na idekomisyon o bawasan ang mga armas ng mga rebelde. | ulat ni Nimfa Asuncion