Nagbabala si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers kaugnay sa modus ng Chinese mafia, kung saan kinikuhanan nila ng lehitimong Philippine passport at iba pang ID ang Chinese nationals para magpapanggap na mga negosyante.
Ani Barbers, isa ito sa mga lumabas sa kanilang imbestigasyon sa House Committee on Public Order and Safety patungkol sa nasabat na 530 kilo ng shabu.
Ang naturang kontrabando ay iniuugnay sa isang ‘Willy Ong’ na isang Chinese national na may lehitimong mga pagkakakilanlan gaya ng birth certificate, pasaporte, UMID ID at LTO driver’s license na nakuha sa iligal na pamamaraan.
Tinukoy ni Barbers, na nagsagawa na ng nationwide manhunt ang NBI, Bureau of Immigration at PNP para kay Ong ngunit hindi pa rin ito mahanap.
Isa sa kanilang hinala ay gumagamit pa rin si Ong ng Chinese passport para makalabas sa bansa.
“Ong, including his other Chinese business cohorts have made a huge mockery of the country’s Immigration, business and other laws by acquiring government-issued documents, illegally establishing local businesses by posing as Filipinos,” giit ni Barbers.
Maliban dito ay may mga natanggap ding ulat ang mambabatas na may iba pang Chinese national na sangkot sa forgery ng Filipino identification cards na sangkot sa pagbili ng mga lupa sa Bulacan, Palawan, Zambales Isabela, at iba pa ang nagtatayo ng mga warehouse.
“Aside from perpetually bullying us on the issue of West Philippine Sea, the continuous dumping of counterfeit drugs and other products in the Philippines, these unscrupulous Chinese nationals are now faking documents to acquire legit government-issued documents. Kung ano-ano nang klaseng panloloko ang ginagawa ng mga Chinese nationals na ito sa ating bansa,” dagdag ni Barbers.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng paninindigan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi papatinag ang Pilipinas laban sa China lalo na kung ang soberanya ng Pilipinas ay hindi kinikilala.
“Tama lang ang ating Pangulo sa kanyang posisyon at sa sinabi nya laban sa China dahil lagi na lamang tayong binu-bully nang mga ito sa isyu ng West Philippine Sea sa nakalipas na administrasyon at magpa-hanggang ngayon,” giit niya. | ulat ni Kathleen Forbes