Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa “final and executory” ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Ito’y makaraang baliktarin ng High Tribunal ang nauna namang desisyon ng Court of Appeals na nagbabawal sa mga Lokal na Pamahalaan na manghuli at mag-issue ng ticket para sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Ayon kay MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes, dahil dito ay umaapila sila sa mga mahuhuling motorista na sumunod muna sakaling mahuli ng mga traffic enforcer ng iba’t ibang Metro Manila LGU.
Gayunman, sinabi ni Artes na nagkakaisa naman na ang mga Metro Manila mayors sa layunin ng kanilang proyektong Single Ticketing System upang maiwasan ang kalituhan hinggil sa mga multa at parusang ipinapataw sa mga lalagbag sa batas-trapiko.
Nakasaad kasi sa naging desisyon ng Supreme Court ang pagkilala nito sa kapangyarihan ng MMDA na magpatupad ng mga panuntunan at magpataw ng kaukulang parusa para sa mga lalabag.
Una nang sinabi ni Artes na magpupulong ang Metro Manila Council para talakayin ang implikasyon ng naging desisyon ng High Tribunal. | ulat ni Jaymark Dagala