Fake news ang una nang kumalat na balitang wala na si dating First Lady Imelda Romualdez-Marcos.
Ayon sa isang source sa Malacañang, walang katotohanan ang naturang impormasyon kasunod ng lumabas na ulat hinggil sa pagkakaroon ni Gng. Marcos ng slight pneumonia na kinumpirna naman ni Senador Imee Marcos.
Kaugnay nito, mula sa Villamor Airbase kung saan lumapag ang PR 001 na sinasakyan ng Philippine delegation na bumiyahe sa Melbourne, Australia sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay dumiretso na ang Chief Executive sa pagamutan kung saan nagpapagamot ang dating Unang Ginang.
Matatandaang habang nasa Australian-ASEAN Special Summit ang Pangulo ay sinabi nitong nagkausap sila ng kanyang ina at ito’y nasa good spirits.
Hindi na aniya ito hirap sa paghinga at patuloy lang na nagpapalakas.
Binibigyan aniya ito ng antibiotics at kumpiyansa ang mga manggagamot sabi ng Pangulo na mawawala na din ang lagnat ng dating Unang Ginang. | ulat ni Alvin Baltazar