Pursigido ang Kongreso sa pagsasabatas ng Philippine Maritime Zone Act sa kabila ng pagtutol ng China dito.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Representative Neptali “Boyet” Gonzales II, pagtitibayin ng Pilipinas ang naturang panukala dahil kailangan ito ng ating bansa at labas na dito ang China.
Layon ng panukala na itakda at tukuyin ang archipelagic boundaries, internal waters, at exclusive economic zones ng Pilipinas.
Tinutulan ito ng China dahil sa banta anila ito sa kanilang territorial sovereignty at maritime rights sa South China Sea.
“Hindi naman sila boboto rito. I’m just joking, but ‘yun ang kailangan natin eh. So regardless of their position, bakit naman we will be influenced by their position on what we need and what we should do?” giit ni Gonzales.
Mas pabor din si Gonzales sa multilateral approach hinggil sa pag-uusap sa isyu ng territorial dispute kaysa sa bilateral talks na nais ng China.
“‘Yan palagi ang gusto ng China, tayong dalawa lang ang mag-usap. Alam niyo naman in a diplomatic table, kung dalawa lang kayong nag-uusap, may pinag-uusapan kayo, ay isa lang naman ang rule dyan, kung sino ang may armas ‘yun ang mananalo. Kaya ayaw natin iyon eh, kaya ang gusto natin multilateral,” paliwanag ni Gonzales.
Sinang-ayunan naman ito ni 1-RIDER Party-list Rodge Guttierez.
Aniya ang batas na ito ay para sa mga Pilipino kaya’t hindi sila magpapa-apekto sa gusto ng China.
“At the end of the day we, will be legislating for our people as representatives of the people and what we can say is that we will definitely not give up this right,” sabi ni Gutierrez.
Giit pa nito na ang panukalang batas ay naka-ayon sa international laws gaya na lamang ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). | ulat ni Kathleen Jean Forbes