Nasa 1,000 pamilya ang nakinabang sa ginawang pamamahagi ng ayuda ng tanggapan ni Sen. Bong Revilla Jr. katuwang ang lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ito’y sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinangunahan mismo ng maybahay ng senador na si Cavite 2nd District Representative Lani Mercado Revilla ang pamamahagi ng ₱3,000 na financial assistance kasama si Manila Vice Mayor Yul Servo kung saan ang mga pamilya na nakinabang ay pawang mga biktima ng sunog.
Kabilang na din sa nakakuha ng ayudad ang mga humihingi ng ibang tulong sa tanggapan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na mga residente mula District 1 hanggang District 6.
Sa naging pahayag ni Rep. Lani, muli siyang nagpapa-alala sa lahat na mag-doble ingat upang maiwasan ang insidente ng sunog kung saan ang tanggapan naman ni Sen. Revilla ay handang umalalay sa mga mangangailangan ng tulong.
Nagpapasalamat ang mga residente sa tulong pinansyal na natanggap lalo na’t ang iba sa kanila ay hindi pa nakakabangon matapos maging biktima ng sunog. | ulat ni Mike Rogas