Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang umano’y paniningil sa ilang mga guro na nagnanais lumipat ng lugar.
Ito’y makaraang ireklamo ng ilang guro sa Palawan ang hinggil sa paniningil sa kanila ng ₱30,000 para makalipat ng ibang lugar.
Ayon kay DepEd Spokesperson at Undersecretary Michael Poa, iligal ang naturang aktibidad at inaalam na nila ang mga detalye hinggil dito.
Sa ngayon, sinabi ni Poa na sa Palawan pa lamang sila may natatanggap na ganitong ulat at binabantayan na rin nila kung may kahalintulad na aktibidad sa iba pang bahagi ng bansa
Kasunod nito, hinimok naman ni Poa ang mga guro na lumutang at i-ulat sa kanila sakaling makaranas ng mga ganitong uri ng aktibidad. | ulat ni Jaymark Dagala