Pinasinungalingan ng Department of Foreign Affairs ang pahayag ng China na sumuway ang Pilipinas sa umano’y napagkasunduan ng dalawang bansa hinggil sa West Philippine Sea.
Ayon sa DFA, pinipilit gawin ng Pilipinas ang mga dapat gawin base sa mga nangyaring diskusyon ng mga lider para mapababa ang tenyon sa West Philippine Sea subalit pinapalabas ng China na may namuong kasunduan mula sa nasabing diskusyon.
Giit ng DFA, walang pinapasok na anumang kasunduan ang Pilipinas na nag-aabandona sa soberanya nito at hurisdiksyon sa Exclusive Economic Zone at continental shelf kabilang ang bisinidad ng Ayungin Shoal.
Paliwanag ng dfa, ang hindi naaayon sa batas na paggamit ng maritime law powers, pagharang sa resupply mission ng Pilipinas at anumang aktibidad na nagiging balakid sa soberanya ng bansa at hurisdiksyon sa Ayungin Shoal ay isang malinaw na paglabag sa international law.
Kinokonsidera din ng DFA na isang pagbabalewala sa mutual trust at kumpiyansa na dapat sanang inuna pagdating sa bilateral relations.
Nag-ugat ang pahayag ng DFA matapos sabihin ng China embassy na nilabag ng Pilipinas ang umano’y napag-usapan hinggil sa isyu ng West Philippine Sea matapos muling magkaroon ng banggaan ang barko ng Pilipinas at China nitong linggo. | ulat ni Lorenz Tanjoco