Kinuwestyon ng mga mambabatas kung bakit mga pribadong trader ang pinaboran ng National Food Authority (NFA) na bentahan ng rice stock ng ahensya.
Sa motu proprio inquiry ng House Committee on Agriculture and Food hinggil sa ‘bigas scam’ inusisa ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, kung bakit hindi sa mga ahensya ng pamahalaan ibinaba ng NFA ang naturang stock ng bigas gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay suspended NFA Administrator Roderico Bioco, hindi na angkop para sa human consumption ang naturang mga bigas kaya tinanggihan na ng DSWD.
Ngunit batay naman sa pahayag ni NFA Assistant Administrator for Operations Engr. Lemuel Pagayunan, lumabas sa laboratory analysis na pasado pa ang naturang bigas sa physical at sensory test.
Maliban dito, may ipinakita ring dokumento si DSWD Usec. Aliah Dimaporo, na humiling sila ng bigas sa NFA ngunit Setyembre ay tumugon ang NFA na hindi ito makakapagbigay ng request na bigas.
Sabi ni Tulfo, Oktubre at Nobyembre ay nag-ikot ang House leadership sa mga warehouse ng bigas para para makapaghanap ng murang suplay sa publiko dahil pumalo sa higit P60 kada kilo ang bentahan noon.
Kaya nakakadismaya na mga pribadong trader ang nakinabang sa bigas ng NFA.
Paliwanag naman ni Bioco, na ang pagpili sa naturang mga trader ay ibinatay lamang nila sa rekomendasyon ng regional offices. | ulat ni Kathleen Forbes