Personal na nagtungo sa National Food Authority (NFA) si Ombudsman Justice Samuel Martires para ihatid ang subpeona at kunin ang mga kailangang dokumento sa imbestigasyon.
Ito ay may kaugnayan sa nasa 139 na iniimbestigahan na mga opisyal at empleyado ng NFA.
Sa isang panayam, sinabi ni Justice Martires na kaya siya personal na nagpunta sa NFA ay para makuha yung mga datos na kailangan ng Ombudsman gaya aniya ng listahan ng mga warehouse.
Hindi aniya maaaring manghula ang Ombudsman kung nasaan ang mga bigas at saan galing ang mga bigas na idineliver sa mga trader.
Mahalaga aniya sa ginawang imbestigasyon ang naturang datos para malaman kung sino ang dapat kasuhan, sino ang dapat ituloy ang kaso, at kung ano ang mga papeles na magpapatunay na ang mga sangkot ay may kinalaman sa ‘bigas scam.’
Dagdag pa ni Justice Martires na hindi pa nila matukoy sa ngayon kung ilang sako ng bigas at magkano ang halaga ng bigas na naibenta nang iligal.
Matatandaang sinuspinde ng Ombudsman ang 139 na mga opisyal at tauhan ng NFA dahil umano sa iligal na pagbebenta ng mga ito ng 75,000 na sako ng bigas sa ilang traders nang walang bidding at sa presyong lugi ang gobyerno. | ulat ni Diane Lear