Magsasagawa ng mga dayalogo at konsultasyon ang Land Transportation Office (LTO) sa mga stakeholder para sa bubuuing guidelines kaugnay sa paggamit ng mga e-bike at e-trike.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang pagsasagawa ng mga consultative meeting sa mga stakeholder ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista na pakinggan ang saloobin ng iba’t ibang grupo at stakeholders bago bumuo ng guidelines kung dapat bang ipa-rehistro ang mga e-bike at e-trike at dapat kumuha ng lisensya ang mga rider nito.
Kailangan aniyang maikonsidera ang ilang factor gaya ng umiiral na batas na nagsusulong ng pagmamay-ari at paggamit ng e-bike at- e-trike, pati na ang mga programa at proyekto ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng e-vehicles.
Noong nakaraang linggo nagsagawa na ng dayalogo ang LTO na pinangunahan ni Asec. Mendoza kasama ang iba’t ibang transport groups at mga organisasyon na sumusuporta sa paggamit ng e-vehicles sa bansa.
Kabilang sa mga natalakay ang mga hinaing ng mga transport group na nawawalan sila ng kita dahil ginagamit ang mga e-trike bilang pampublikong transportasyon.
Tiniyak naman ng LTO na magiging maayos, legal, at katanggap-tanggap para sa lahat ang ilalabas na guidelines at hindi matatapakan ang local autonomy ng mga LGU lalo na at may mga ordinansa at patakaran nang inilabas ang ilang LGUs tungkol dito. | ulat ni Diane Lear