Hiniling ni House Committee on Agriculture and Food Vice Chair Joey Salceda na isailalim ang National Food Authority (NFA) sa management audit.
Sa gitna ito ng motu proprio inquiry ng Kamara sa kwestyonableng disposal o pagbebenta ng NFA ng kanilang rice stock.
Sabi ni Salceda, hindi dapat limitahan ng komite ang imbestigasyon nito sa 75,000 na sako ng buffer stock na naibenta nang walang auction.
Punto nito, dapat ding isama ang lahat ng binentang stock mula 2019.
Paliwanag ni Salceda, tinatayang nakatanggap ang NFA ng P85.7 billion na subsidiya mula sa national government at dagdag na P66.3 billion naman mula sa pagbebenta ng rice stock mula 2018 hanggang 2022.
Kaya kung susumahin ay mayroon silang P152 billion na kinita sa loob ng limang taon—halaga na kailangan nilang ipaliwanag kung saan napunta.
Sabi pa ng House tax Chief, kahit umano malugi ng P20 billion mula sa direct cost at sa naibentang bigas, mayroon pang P132 billion na dapat ipaliwanag.
Kasabay nito ay hiniling din ni Salceda sa komite na atasan ang Commission on Audit na magsagawa ng komprehensibong finances at management practice ng NFA at kung may adverse findings mula 2019 hanggang 2023.
Positibo naman si Salceda na nasa tamang direksyon si Agriculture Sec. Kiko Tiu-Laurel sa paglilinis ng hanay ng NFA at pagsasaayos sa mga problema sa ahensya para makamit ang P20 na kada kilo ng bigas.
“I think Secretary Tiu-Laurel is in the right direction here of cleaning up the NFA and curing its longstanding defects. The only way to get P20 rice is through the NFA. And a clean NFA is the only way to get it done without compromising the country’s finances,” sabi ni Salceda. | ulat ni Kathleen Jean Forbes