Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpapatupad ito ng 30-Minute Heat Stroke Break policy para sa lahat ng field personnel nito.
Partikular na sa mga traffic enforcer at street sweeper upang maprotektahan ang mga ito mula sa mga sakit na maaaring makuha sa mainit na panahon sa gitna na rin ng epekto ng El Niño.
Sa nilagdaang memorandum circular ni MMDA Chairperson Atty. Don Artes, epektibo ang 30-Minute Heat Stroke Break Policy sa March 15 hanggang May 31 na ipatutupad ng rotation schedule.
Ayon kay Artes, kailangang maintindihan ang kalagayan ng mga traffic enforcer at street sweeper na nagtatrabaho sa initan araw-araw upang maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin.
Sa ilalim ng polisiya, ang mga on-duty na traffic enforcer at street sweeper ay papayagang umalis muna sa kanilang puwesto para uminom, lumilim, at magpahinga ng 30 minuto upang maiwasan ang heat stroke.
Maaari ring dagdagan pa ng 15-minute break time sakaling ang heat index sa Metro Manila ay pumalo ng 40 degrees celsius pataas.
Samantala, nagsagawa din ng blood pressure monitoring at namahagi ng malamig na tubig sa mga traffic enforcer na naka-deploy sa EDSA-Timog ang MMDA Traffic Discipline Office at MMDA Road Emergency Group kaninang hapon. | ulat ni Diane Lear
📷: MMDA