Tiniyak ng Task Force El Niño na nagpapatupad ng mga hakbang ang pamahalaan laban sa “profiteering” ngayong panahon ng tagtuyot.
Bilang chairperson ng Task Force, hinikayat ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang supply at price monitoring para mapangalagaan ang mga consumer.
Ito’y alinsunod sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang “government intervention” para maibsan ang mga epekto ng El Niño.
Kaugnay nito, pinatitiyak ni Sec. Teodoro na may sapat na supply ng mga pangunahing produkto, partikular sa mga lugar na nakakaranas ng matinding epekto ng tagtuyot.
Hinikayat naman ng kalihim ang publiko na i-report sa One-DTI (1-384) Hotline o email, ang mga retailer, distributor, o manufacturer na nagbebenta ng mga batayang produkto na mas mataas sa inilathala ng DTI na suggested retail price (SRP). | ulat ni Leo Sarne